2nd Philippine Blog Carnival: Kalayaan!

Posted on June 12, 2006
Filed Under PinoyBlog Carnival | 12 Comments

Maligayang Araw ng Kalayaan!

Sa wakas narito na ang ikalawang edisyon ng Philippine Blog Carnival, inihahatid sa inyo ni Jong aka Geeklamador! Maraming salamat sa kanyang pagvoluntir na maging host ng edisyong ito at higit sa lahat ay maraming-maraming salamat sa mga nagbahagi ng kanilang mga blog post, gaya ng dati, kayo ang mga bida sa blog carnival na ito.

Dahil ipinagdiriwang natin ngayon ang ika-108 anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas, umpisahan natin ang blog carnival na ito sa pamamagitan ng mga malaman, makabuluhan at makapukaw damdaming pagninilay ni Jong, kung saan may isa siyang tanong: Malaya ka na ba?

Simple at mukhang madaling sagutin ang tanong ni Jong, pero kapag nabasa mo na ang kanyang isinulat, tiyak kong mapapatigil ka kahit sandali at matatanong mo mismo ang iyong sarili.

Dumako naman tayo kay Enrico kung saan sa Byahilo, ay ipinapaalala niya sa atin na matapos ang 333 taon na lumipas, sasayangin lang ba natin ang mga pinagpaguran, at ikinapag-martir ng ating mga bayani?

Para makatulong sa inyong pag-iisip sa mga tanong nina Jong at ni Enrico, bisitahin niyo si Rex, bukod sa kayang bagong layout na magaan at maganda sa paningin, ay malalaman niyo sa pamamagitan ng kanyang Top 10 Independence Day Edition ang mga 10 bagay na hindi niya gusto sa pagiging Pilipino.

Pinaka natatangi ang numero unong dahilan niya, ang kahiligan nating mga Pinoy na magbabad sa ating mga emosyon at magmukmok sa isang tabi sa halip na harapin at solusyunan ang mga problema. (Pasintabi sa mga emo, ;P)

Pero huwag kayo masyado malungkot, dahil may 10 dahilan upang matuwa, magalak at maipagmalaki mo na isa kang Pilipino. Isa na rito ang pagiging malikhain o creative. Ika nga ni Rex; “maabilidad tayong mga Pinoy”

May kasabihan sa Ingles na; “a happy worker works harder.” Ito ang punto ni bing, sumulat siya kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung saan bilang isang “Simple employee going downhill” ay binigyan niya ng wastong pangangatwiran na tama lang ang pagbibigay ng P125 wage increase para sa mga manggagawa at iba pang nagtatrabaho. Dahil maliit man ang P125 pesos, magiging tulong na rin ito para kahit papaano ay mabawasan ang paghihirap ng mga Pilipino.

Kay hirap talaga ng buhay sa bansa, kaya mga kabataan, maghanda na para sa hinaharap. Dahil hindi sa habangbuhay kayo ay magiging bata. Pero hindi naman masama ang maging bata, masarap at masya nga eh. At hindi rin masama ang minsan ay maging bata sa pag-iisip o pag-uugali. Dalawin niyo si Karmi, tunghayan ang kanyang munting kwento, at muli mapapatanong kayo “Ilang taon ka na ba?

At bago kayo umalis sa bahay ni Karmi, mag-segway muna kayo sa isa pa niyang kwento; “Sa loob ng bahay ni Kuya.”

Madalas sabihin ng mga matatanda na “ang batang makulit, pinapalo sa puwit.” Pero paano kung ang mga makukulit ay ang mga kapitbahay mo, na sa gitna ng gabi, habang ikaw ay nagnanais matulog ng mahimbing ay nag-iinuman at nagkokonsyerto sila sa videoke machine. Lalabas ka ba ng bahay at haharapin sila upang ipaalala sa kanila na hindi lang sila ang tao sa mundo at may mga mas magagaling sa kanilang kumanta?

Mukhang magkakagulo hindi ba? Pero may mapayapa at di-marahas na paraan para tapatan ang mga kakulitan ng mga kapitbahay mo. Sumangguni kay kay Major na nagsabing Isulong seoph, mayroon siyang 10 simpleng paraan para sa mga kapitbahay mong makululit.

Tama na muna ang kaseryosohan, kulitan at pag-iisip ng malalim. Maglibang muna tayo at tumungo sa mundo ng teknologi at internet.

Nakakatuwa ang internet, halos lahat na ata ay makikita o mahahanap mo dito, kanta, pelikula, project, research, asawa, boyfriend, kalaguyo, at mga bagay na tunay na nakakamanghang malaman. Salamat kay GrrlScientist na nagbahagi ng balitang may bagong uri ng Parrot at Daga na nadiskubre kamakailan dito mismo sa Pilipinas. Kaya kung nagsasawa na kayong panoorin ang mga loro at iba pang makulay na ibon ng ibang bansa, matuwa at matuto sa pag-aaral ng Camiguin Hanging-parrot, or Colasisi, Loriculus camiguinensis. Isang ibon na tunay na sa atin, dahil dito lamang sa Pinas matatagpuan.

Isang bagay na nakakatuwa sa internet at talagang nakaka-adik ay ang mga blogs. At isa sa mga pinaka-nakakaadik na gawin sa mga ito ay ang pagpapalit ng disenyo o layout. Parang cellphone, kasing dami ng pan de sal ang mga “housing” o themes para sa mga blog. Pero minsan, mahirap makahanap ng mga themes na magugustuhan mo. Mas nakakainis pa na dahil hindi ka marunong mag-code at design ng sarili mong theme ay nagtitiyaga ka na lang sa kung ano ang nariyan.

Pero salamat kay Jaypee, may solusyon na para dito. Inihahandog ni Jaypee ang Canvass, isang munting software kung saan sa pamamagitan nito ay pwede ka nang gumawa ng sarili mong theme na ikaw ang nagdisenyo. Simple at madaling gamitin, hindi mo kailangang matuto muna ng CSS o HTML programming para magamit ito. Para ka lang nagdadrawing.

Bukod sa pagdidisenyo ng mga blogs, isa pang bagay na maari mong gawin dito ay ang promotion ng mga bagay-bagay. Sarili mong produkto, sulatin, karanasan, opinyon, kakulitan atbp.

Kailan lamang ay nalunsad ang Isuong seoph, na naglalayong isulong ang SEO sa Pilipinas at nang sa ganoon ay makinabang ang mga Pinoy bloggers at ang lokal na industriya ng IT. Nakakatuwa nga na ang paglunsad ng Isulong seoph ay kasabay halos ng pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas, at para palawakin at ilahad ang kabuluhan nito, isinulat ni jedi dancel ang SEO and Philippine Independence.

Dito nagtatapos ang ikalawang edisyon ng Philippine Blog Carnival. Maraming salamat sa inyong pagdalaw at sana ay nag-enjoy at may napulot kayong makabuluhan sa mga blogs na naging bahagi ng edisyong ito.

Hanggang sa susunod, mabuhay ang mga Pinoy bloggers!

Malaya ka na ba?

Posted on June 9, 2006
Filed Under Isulong Seoph, PinoyBlog Carnival | 10 Comments

Mahigit isang daang taon narin ang lumipas ng makalaya ang ating bansa sa mga kamay ng mga dayuhan. Nagkaisa noon ang bawat Pilipino at nagtagumpay sa kanilang mga hangarin. Malaya na nga ba ang ating bansa, Makalipas ang mahigit isang daang taon?
Read more

Subscribe

Subscribe feeds feedburner
feedblitz
Enter your Email


Powered by FeedBlitz

Experimental

Recent Comments

Blue Fish Network
Technorati's Philippine Top 100 Blogs
Text Link Ads